Nakikita mo ba ang tinitingnan mo?

Friday, September 24, 2010

Sino ang Salarin sa Hostage Taking sa Maynila?

Originally Posted: Monday, August 23, 2010

Si dating Sr. Insp. Rolando Mendoza ang suspect sa nangyaring hostage taking  sa Maynila kahapon (Agosto 23, 2010), pero sino nga ba ang may sala sa kamatayan ng mga taong sangkot?

Kung ikukumpara sa kahilingan ni Ducat noong 2007 kung saan nang-hostage siya ng mga estudyanteng sakay din ng isang bus, higit na madali ang hinihingi ni Mendoza. Walang nasaktan si Ducat noong panahong iyon dahil pinangakuan siya na mapagbibigyan sa kanyang mga hinihingi, pero kabaligtaran ang nangyari kahapon. Halos lahat ng nasa loob ng bus ay namatay dahil sa labis na galit ng hostage taker. Alam ng sinumang negosyador sa mga ganitong pangyayari na hindi dapat bigyan ng dahilan para magalit ang nambibihag, pero anong pumasok sa isip ng lider ng operasyong ito at ipinidampot nang sapilitan ang kapatid ng hostage taker? Ganito na ba talaga kamangmang ang mga hepe at mga lider ng ating kapulisan?

Ipinahayag ng Malaca├▒an noong mas maaga pa na ang hostage taking drama ay hindi makakaapekto sa turismo at sa pagtingin ng mga banyaga sa ating bansa. Tiwala ang marami na matatapos nang mapayapa ang dramang ito, at tama lang na ganito ang kanilang maging akala dahil isa-isang pinalalaya ng suspect ang mga hostage, at wala ni isa man sa mga nakalaya ang sinaktan, ni ginutom man. Sa kabilang banda, magandang larawan ba ang nakita nating reaksyon ng mga pulisya? Labis na nakakabahala ang ginawa nilang pagdakip kay SPO2 Gregorio Mendoza, at alam na alam din nila na ito ay kakalabit sa gatilyo ng ng kapatid na suspek. Ilang minuto pagkatapos ng iskandalosong pag-aresto sa kapatid ng hostage taker, nag-umpisa nang magpaputok at pumatay ang suspek. Ito ba ay isang hindi maiiwasang pangyayari? Walang kahit anong excuse ang maaaring tanggapin sa ginawang ito ng mga pulis. Maraming buhay ang nawala at napakaraming iba pa ang naapektuhan dahil sa kanilang pagkakamali. Ni wala isa man ang dapat nasawi sa kaganapang ito, pero dahil sa isang manhid na hakbang, buhay ang naging kapalit, bukod pa sa napakalaking kahihiyan na inabot ng ating bansa sa buong mundo.

Daliri ng mga pulis ang kumalabit sa baril na pumatay kay Mendoza, pero sino ang kumalabit sa baril na pumatay sa mga hostage? Anong nangyari sa inakala ng marami na maganda ang kahihinatnan ng negosasyong ito? Sino ang tunay na salarin?

Larawan ba ng isang matagumpay na operasyon ang nakalaylay na katawan at nagkalat na utak ng suspek matapos ang humigit-kumulang isang oras na palitan ng putok? Walang naging matagumpay sa pangyayaring ito kundi ang resulta ng hangal na pagkilos ng mga pulis. Ito lamang ang tanging akala na hindi nagkamali. Alam na natin agad kung ano ang susunod na mangyayari pagkatapos ng kaguluhang idinulot ng pagdakip sa kapatid ng hostage taker, at hindi tayo sumablay. Ano pa ba ang aasahan nating reaksyon mula sa isang galit na suspek kung sa halip na pagbigyan ang kanyang mga hiling ay lalo pang ipinapakita sa kanya maaaring gawin sa kanya at sa kanyang pamilya ang anumang naisin ng mga nasa kapangyarihan? Sa umpisa pa lang ng maling hakbang na ito ay halos sigurado na tayo sa magiging katapusan ng lahat.

No comments:

Post a Comment

Followers

Powered by Blogger.